Apoy ang Suliranin, Bula ang Tugon?
COLUMN | September 13, 2024
Sa gitna ng modernong panahon, tila nagiging mas madalas ang pagpapatawa ukol sa mga seryosong isyung panlipunan. Isang napansin na kalakaran, lalo na sa mga kabataang lider at indibidwal na may impluwensiya, ang gawing biro ang mga usaping dapat sana’y tinatalakay nang may masusing pag-unawa. Maaaring ginagawa nila ito upang mapagaan ang bigat ng mga isyu o dahil sa popularidad ng 𝘩𝘶𝘮𝘰𝘳 sa hatirang pangmadla. Ngunit sa likod ng bawat biro, naroon ang panganib na mawala ang bigat ng mensahe, at sa huli, mawalan ng saysay ang tunay na diwa ng pakikilahok sa mga kritikal na usapin.
Kapag ang biro ay nagsimulang tanggalan ng bigat ang seryosong usapin—tulad ng kalamidad, trahedya, o suliraning panlipunan—dito na nila tinatawid ang hangganan. Ang intensyon na magpatawa ay hindi na sapat upang gawing katwiran kung ang katatawanan ay nagiging hadlang sa pagbigay ng tamang impormasyon at solusyon. Kung ang kabataang lider, na inaasahang maging ehemplo, ay inuuna ang biro kaysa sa pagkilos, nagiging kasangkapan ang katatawanan para takasan ang tunay na tungkulin.
Oo, may lugar ang kasiyahan, ngunit hindi lahat ng pagkakataon ay nararapat para rito. Ang katatawanan sa maling oras ay tila isang pag-iwas sa tunay na mga problema—isang bula sa ibabaw ng nagliliyab na suliranin.
𝐏𝐚𝐭𝐚𝐰𝐚𝐧𝐠 𝐋𝐢𝐝𝐞𝐫𝐚𝐭𝐨
Isa sa mga paboritong pakulo ng ilang lider-estudyante at taong may kapangyarihan ay ang magpost ng mga 𝘮𝘦𝘮𝘦 o patawa tungkol sa kasalukuyang mga isyung panlipunan. Mas madalas, ito ang paraan nila upang makuha at mapanatili ang atensyon ng madla. Ngunit, ano nga ba ang pinakaugat nito? Ang kanilang layunin ba ay patawanan ang sambayanan o ilihis ang atensyon mula sa mga masalimuot na isyu?
Ayon sa pananaliksik ni Amor Jude Thadeus Furigay Soriano mula sa Philippine Christian University, ang mga ganitong nilalaman, ay kadalasang nagiging viral dahil sa kanilang kakayahang makakuha ng maraming likes, shares, at comments sa hatirang pangmadla. Ang pagnanais na maghatid ng pansin sa ganitong mga post ay tila nagiging pangunahing layunin, kaya’t ang mga seryosong isyu ay isinasantabi sa kapinsalaan ng tunay na pagtalakay.
Ang ganitong uri ng pamumuno ay nagiging problema lalo na’t inaasahan sa kanila ang pagiging boses ng kabataan at ng mga isyung mahalaga sa kanilang kinabukasan. Sa halip na tumindig, ang ilan sa kanila ay ginagawa itong uri ng katatawanan. Ano nga ba ang nagiging epekto nito? Ang masa ay natatawa, ngunit nananatiling bulag sa bigat ng totoong problema.
𝐀𝐥𝐢𝐜𝐞 𝐆𝐮𝐨: 𝐏𝐮𝐠𝐚𝐧𝐭𝐞, 𝐡𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐀𝐫𝐭𝐢𝐬𝐭𝐚
Isang mainit na isyu kamakailan ay ang kontrobersyal na pag-alis ni Alice Guo sa Pilipinas, isang personalidad na may kinahaharap na kasong human trafficking. Bagama't dapat itong pagtuunan ng seryosong diskurso, tila mas nangingibabaw ang mga 𝘮𝘦𝘮𝘦𝘴 at biro sa social media. Sa ganitong konteksto, nakalimutan na ng madla ang tunay na isyu—ang patuloy na paglobo ng kasong human trafficking at ang pangangailangan ng mas seryosong tugon.
“Paalala lalo na sa mga kawani ng gobyerno: Si Alice Guo ay pugante. May kasong human trafficking. Hindi po ‘yan celebrity,” ayon kay Senadora Risa Hontiveros sa isang post sa Facebook.
Sa isang banda, nagiging mas mahirap para sa publiko na seryosohin ang mga ganitong isyu dahil sa mga kalokohang post sa social media. Sa kabilang banda, ang ganitong mga biro ay maaaring magpalala pa ng sitwasyon, dahil binabalewala nito ang hangganan sa pagitan ng katotohanan at komedya.
𝐋𝐮𝐧𝐨𝐝 𝐬𝐚 𝐊𝐚𝐭𝐚𝐭𝐚𝐰𝐚𝐧𝐚𝐧
Kapansin-pansin kung paano ginawang katatawanan ng ilang mga estudyanteng lider ang mga anunsyo ng suspensyon ng klase. Isang malinaw na halimbawa ng kawalang-sensibilidad at kakulangan sa pagiging responsable ng iilang lider estudyante ay ang pag-post at pag-gaya nila sa bidyo announcement ni Mayor Carmelo Lazatin Jr. ng Angeles City. Sa halip na gamitin ang kanilang plataporma para sa makabuluhang impormasyon at suporta sa mga estudyanteng apektado ng bagyong Enteng, ginugol nila ang kanilang oras sa pag-gawa ng katatawanan at pag-𝘮𝘰𝘤𝘬 ng isang seryosong anunsyo.
Ang ganitong asal ay hindi lamang nagpapakita ng kanilang kakulangan sa pag-intindi sa tunay na pangangailangan ng publiko, kundi nagpapakita rin ng kanilang kawalang-galang sa tunay na tungkulin bilang mga lider. Ang kanilang pag-uugali ay hindi lamang isang simpleng pagkakamali; ito ay isang malinaw na indikasyon ng kanilang kakulangan sa pagiging mapagkakatiwalaan at pagiging tunay na tagapaglingkod sa komunidad.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang bagyong Enteng ay nakaapekto sa 786,838 pamilya o 2,962,199 indibidwal. Sa mga ito, 66,749 ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan. Labis din ang iniwang pinsala ng bagyo, kung saan 21 ang naiulat na nasawi, 22 ang nasugatan, at 26 ang nawawala. Bukod sa pinsala sa mga pamilya, lubhang naapektuhan din ang sektor ng agrikultura. Mahigit 45,242 mangingisda at magsasaka ang nawalan ng kabuhayan, at tinatayang aabot sa ₱1,907,626,468.43 ang halaga ng pinsala sa agrikultura.
Sa mga panahong tulad nito, inaasahan ang mga estudyanteng lider na magbigay ng halimbawa ng malasakit at pagiging responsable. Sa halip, ang kanilang pagpapalakas ng mga biro at katatawanan ay nagpapakita ng kanilang kakulangan sa pagganap bilang lider. Ang ganitong uri ng asal ay hindi lamang nagpapalala ng krisis, kundi nagbibigay ng dagdag na pasanin sa mga estudyanteng umaasa sa kanilang tunay na tulong. Dapat nilang alalahanin na ang kanilang pangunahing tungkulin ay ang maglingkod at magbigay ng konkretong solusyon, hindi ang maglaro ng biro sa mga seryosong isyu.
𝐏𝐚𝐠𝐭𝐚𝐤𝐚𝐬 𝐬𝐚 𝐓𝐮𝐧𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐈𝐬𝐲𝐮
Sa likod ng makulay na kasiyahan at biro, nananatiling hindi nasusolusyunan ang tunay na problema. Ang pag-pilit sa katatawanan sa mga seryosong isyu ay tila isang pagtatago sa likod ng maskara ng kasiyahan, na nagiging sanhi ng pagkabulag sa tunay na suliranin. Ang mga estudyanteng lider na dapat sanang nagbibigay ng halimbawa ay tila nagpapahinga sa paglalaro ng papel ng komedyante. Sa halip na magbigay ng konkretong solusyon, ang kanilang pokus ay nananatili sa pagpapatawa at paglikha ng pansamantalang kasiyahan. Sa ganitong kalagayan, ang kanilang pamumuno ay nagiging walang kabuluhan—𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘶𝘭𝘢 𝘴𝘢 𝘪𝘣𝘢𝘣𝘢𝘸 𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘨𝘭𝘪𝘭𝘪𝘺𝘢𝘣 𝘯𝘢 𝘴𝘶𝘭𝘪𝘳𝘢𝘯𝘪𝘯.
Artwork by Jade Layug
Layout by Abigayle Bonilla and Ashanty Bricenio
Comments